Mga Panuto sa Paghihintay
Kukuwadruhan ng lumulubog na araw ang kubo sa gitna ng bukid.
Mula sa loob, susuyurin ng babae ang mga bato at ang mga balat ng palay
sa bilao ng bigas sa kanyang kandungan. Papanoorin niya itong gumawa ng alon
sa ligid ng kanyang mga daliri. Iisipin niyang, sandali na lang.
Iisipin niyang babalik siya.
Hahakutin niya ang mga butil sa kanyang kamay
at saka hahayaan itong umagos pabalik sa bilao.
Lalangitngit ang kubo at tila manggagaling sa likod ang ingay,
tila may papasok. Lilingon siya—
ngunit hangin lang ang sasalubong sa kanya.
Sa labas, walang magagawa ang bukid kundi malunod
sa tuluyang pagbuhos ng araw ng pulang kulay sa paligid.
Mula sa loob, iisipin niyang dumudugo ang bukid
o di kaya’y nasusunog.
