Pag-aabang ng Bus
2008 June 20
Nagpapaliwanag ang lalaki tungkol sa mga bituin,
sa kalangitan, at sa mga imposibleng bagay.
Sabi niya, nakasalalay ang kagandahan sa distansya:
mga bagay na imposibleng makamit. Mga bagay
na hindi maaaring mahawakan. Samantalang ang babae
ay binibilang ang mga nunal sa mukha ng lalaki—
isinasalarawan ang mga konstelasyong maaaring mabuo
sa bakas ng kanyang daliri. Ngayon nama’y pinapaliwanag
ng lalaki ang kalabisan ng mga black hole:
ang kapangyarihang manggayuma ng mga bagay
upang bigyan lamang ito ng wakas. Samantalang tinititigan
ng babae ang mga anino nila na nabubuo ng poste
ng ilaw sa itaas. At nang may dumaan na sasakyan,
nilamon ng anino ng lalake ang anino niya.
