Ang Simula ng Lagim
Tatlong mesang puno ng flyers at application sheets ang nakahilera sa mahaba at masikip na bulwagan. Malumanay ang sinag ng araw mula sa malalaking bintana sa likod ng mga ito. May bantay sa bawat mesa: ilang kalalakihan sa mga gilid at isang babae sa gitna.
1. Lalapit ang kuha sa babae na siyang bubunot ng libro at marker mula sa bag. Magsisimula siyang magbasa. May dadaan na dilaw na paruparo sa harapan niya. Isang lalaking sinusundan ng mga paruparong may samu’t saring kulay ang sunod na dadaan. Unti-unting liliwanag ang bulwagan. Sa puntong ito, titigil nang magbasa ang babae at ipapahinga na lamang ang kanyang ulo sa libro. Makikita siya ng lalaki at titigil ito sa harapan niya ng ilang sandali. Hindi siya makikita ng babae. Lilipat ang tingin ng lalaki sa kabilang mesa. Makakakita siya ng kakilala at ‘yon ang babatiin. Oy! May klase ka pa?
Magugulat ang babae sa ingay at mapapalingon siya sa pinanggalingan ng boses. Masisilaw siya sa liwanag na ngayo’y bumabaha na sa bulwagan. Saktong tatama ang tingin niya sa mga mata ng lalaki.
2. Kuha ng isang paruparong itim na mahuhuli ng sapot ng gagamba.
3. Babalik ang kuha sa dalawang nagtitiigan. Sige, kita na lang tayo mamaya, sasabihin ng lalaki habang nakatitig pa rin sa babae. Dali-dali itong tatalikod. Papanoorin lang siya ng babae. Unti-unti muling didilim ang bulwagan. Pagliko ng lalaki, tatayo pa sana siya para habulin ito ngunit matitigilan siya’t mapapahawak sa tiyan.
Madududuwal ang babae. Susuka siya ng libo-libong itim na paruparo. Magugulat ang kalalakihan at matutulala. Babahain ng mga paruparo ang larawan.
4. Dilim.
5. Kuha mula sa likod ng lalaki habang papalabas ng bulwagan. Madadagdagan ng mga paruparong itim ang mga makukulay na paruparong sumusunod sa kanya.
